Friday, January 18, 2013

(An Offical Entry to BNP 2013): Mang Mau







ISANG PAGTATANGKA AT PAGHAMON SA PAKULO NI KUYA BINO... "BAGSIK NG PANITIK 2013". NAIS KO LANG SUMUBOK TUTAL KATUWAAN LANG NAMAN PO ANG LAHAT.
ahehehehehe.

MARAMING SALAMAT KUYA BINO, ATE RIX AT ANG PBO GANG,KUYA ARCHIE,FIEL-KUN AT BLIND PEN.


 

 ~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~




KADILIMAN... KALUNGKUTAN.. PAGTANGIS.. PIGHATI AT KAWALAN...
 
Yan ang madalas na deskripsyon sa aking pagkasino.

Kinatatakutan ako ng lahat.
Iniiwasan.
Tinatakasan.
Ngunit may mga pagkakataon namang niyayakap at hinihiling na sila'y aking puntahan. 

Ako ay bahagi ng simula at katapusan.
Mula sa iyong pagsilang lalung-lalo na sa iyong pagpanaw ako'y matiyagang nakabantay at nag-aabang.

Kilala ko ang mundo.
Kasama mo ako mula sa iyong pagtulog hanggang sa iyong paggising.
Kapiling mo ako sa bawat galaw ng orasan.
Kabisado ko ang iyong anino.
Alam ko ang iyong mga sikreto.
At alam ko rin kung ano ang iyong kwento.
Lahat ng tao magmula sa angkan nina Eba at Adan hanggang sa kasalukuyan at pati na sa hinaharap ay kilala ko...
Kabisado ko lahat ang inyong mga pangalan. Gamit ang aking  talaan at  pluma,  walang sinoman sa inyo ang makakaligtas sa aking pagbisita.




Ilan na nga ba ang dumaan at dadaan pa sa aking mga kamay?
Hindi ko na mabilang....
At hindi ko obligasyon ang bilangan kung ilan.
Dahil ang tangi kong gawain ay ang magbantay, mag-abang, dumalaw paminsan minsan at ang magsundo sa tamang oras at panahon.


Ilang libro na nga ba ang aking naipon at mga librong nakaabang na aking sulatan ng mga pangalan?
Madalas napapagod na ang aking mga kamay sa pagsusulat.
Madalas nauubusan ng tinta ang aking panulat.
Madalas ang pluma ko na mismo ang sumusuko sa dikta ng aking trabaho.
Ang aking pluma na kasa-kasama ko mula sa umpisa, at siyang makakasama ko hanggang sa wakas.

Ang aking pluma na siyang tunay kong kaibigan.
Palaging kasama ko,

 kipkip sa bulsa ng aking anino.






Ilang kwento na rin ang nasaksihan ko sa aking paglalakbay gamit ang aking pluma....
Mga kwentong nagbigay ngiti at halakhak.
Nagpatangis sa aking mga mata,nagpa-alab sa aking damdamin at nagpalamig sa aking mga kamay na tila isang sorbetes na unti-unting natutunaw sa iyong mga labi .

Isa sa mga kwentong ito ay espesyal sa akin.

Dahil isa ako sa masugid na sumubaybay kaya't alam na alam ko kung papaanong nagsimula at nagwakas ang kwentong ito.
Sa kwentong ito naramdaman ko ang kadiliman,kalungkutan, pagtangis, pighati at kawalan. 
Sa kwentong ito ko rin nasaksihan ang matapang at bukas-pusong pagtawag sa aking pangalan at paghiling na siya'y aking sunduin at hagkan.



Ito ang kwento ng mag-amang  Mang Mau at Apong.




 Pamilya na may anim na anak ang mayroon sina Mang Mau at Aling Auring.
Laki sa hirap ngunit matiyagang naitaguyod at hinulma sa kabutihang asal ang anim na magkakapatid na sina Ruby, Mary-anne, Rommel, Myra si Apong at ang bunsong si Buboy. Lumaking may takot sa Diyos at may respeto sa kapwa lalong lalo na sa mga magulang.

Masasabi kong masaya ang pamilyang ito ni Mang Mau kahit salat sa rangya ang kanilang pamumuhay. Naiukit sa magkakapatid ang pagkakaroon ng disiplina at pagpapahalaga sa buhay. Ang makuntento kung ano ang meron sa hapag-kainan. Ang hindi maghangad ng labis sa kung ano lamang ang makakayan. Ang mabuhay sa tamang pamamaraan.
Yan lamang ang ilan sa mga pangaral ni Mang Mau sa kanyang mga anak.

Si Apong sa aking pagkakakilala eh simpleng bata lamang. Tahimik, masayahin at may "kakaibang" pagkatao. Pusong-babae ang tumitibok kay Apong. At dahil sa pagkataong ito kaya hindi ganoon kaigting ang relasyon nilang mag-ama. Walang lahing bakla sa pamilya nila. Tunay na mga barako ang kanyang kuya at kanilang bunso, ngunit si Apong sa kanyang kamusmusan ay nagsimulang malito sa kanyang tunay na nararamdaman.Simula pagkabata ay pilit ng itinatago ni Apong ang kanyang tunay na pagkasino. Dahil alam nyang makakagalitan sya ng kanyang ama.

Hindi naman nahirapan si Apong sa kanyang pagtatago dahil naisipang mangibang bansa ang kanyang tatay ng siya'y 7 taong gulang lamang. Para na rin siguro mai-ahon kahit papano sa hirap ang kanilang pamilya kaya nagtiyagang lisanin ng pobreng Mang Mau ang kaniyang pamilya.

Naging napakaluwag ng dibdib ni Apong sa pag-alis ng kanyang ama. Naramdaman nyang maging malaya. Nakakakilos na sya ng hindi "de numero". Nakakapaglaro sya ng mga larong hindi na kailangan pang idikta ng kanyang ama.
Ganoon pa man, idiniin nya sa kanyang utak na kahit siya'y pusong-babae, alam nya ang kanyang mga limitasyon. Hindi sya sisira sa sariling pangako na hinding hindi nya bibigyan ng kahihiyan ang pangalan ng kanilang pamilya.

Mabilis lumipas ang panahon, ilang tag-init at tag-ulan ang nagdaan.
Sampung taong nawalay si Mang Mau sa kanyang asawa't mga anak.
At sa loob ng sampung taon na iyon ay mabibilang lang sa mga daliri ng isang kamay ang kanyang pagdalaw sa kanyang pamilya.
Sa loob din ng sampung taong iyon ay bahagya lamang ang pag-angat ng kanilang pamumuhay. Lahat naman ng magkakapatid ay nakapag-aral ng sabay-sabay. Wala sa kanila ang dumanas ng pagkagutom kahit ni minsan.

Naalala kong bigla ang isang nakatutuwang tagpo sa buhay ng mag-amang Mang Mau at Apong.

Bakasyon lang ni Mang Mau noon.Edad siyam o sampu si Apong ng panahong iyon.   Nakaugalian na ng pamilya ang mag-almusal ng lugaw tuwing Linggo.
Matiyagang niluluto ni Aling Auring ang lugaw para sa almusal na iyon. Lugaw na talaga namang pinananabikan ng magkakapatid. Iba daw kasi talaga ang luto ng isang ina?
~~~Isang katanungan na kailanman ay hindi ko na mahahanapan ng kasagutan.~~~



 Linggo ng Disyembre bandang alas-sais ng umaga habang silang mag-anak ay nag-aalmusal. Nagbabasa ng pang-linggong peryodiko si Mang Mau habang nagpapakasaya sa init na dulo't ng kaniyang kape ay naisipan nyang utusan si Apong  na bumili ng sigarilyong Marlboro sa tindahan. Gustuhin mang tumanggi ng paslit ay hindi nya nagawa sapagkat kailangan nyang sundin ang kanyang ama.Iniwanan saglit ng bata ang kanyang kinakaing lugaw at mabilis na pumunta sa tindahan para bumili ng sigarilyo. Sa kanyang pagbalik, ini-abot niya sa kanyang ama ang sigarilyo at dali-daling pumuwesto sa hapag-kainan upang tapusin ang nasimulang pagkain ng lugaw.
Matiyagang tinignan ni Mang Mau ang kanyang anak habang ito'y kumakain at dito unti-unting sumilay ang isang ngiti sa kanyang mga labi.
~~~Alam ko ang dahilan ng pag ngiting yan, sasabihin ko sa inyo mamaya.~~~



Tatlong linggo pa ang lumipas ng mapansin ng batang Apong ang kakaibang ikinikilos ng kanyang ama tuwing umaga sa kanilang almusal. Napansin ng bata ang paulit-ulit na pag-uutos ng kanyang ama sa kalagitnaan ng kanyang pagkain sa umaga. 
Muli inutusan nya ang kanyang anak na bumili ng sigarilyo sa tindahan. Mabilis namang tumalima ang bata, ang di alam ni Mang Mau ay nagkubli panandalian si Apong sa likod ng platerang pumapagitna sa hapag-kainan at ng salas. Isiniksik ng bata ang kanyang katawan sa gilid na bahagi ng platera upang masilip ang gagawin ng kanyang ama.
Dinig ko ang pagpigil ng kanyang hininga.
Musika sa aking tainga ang tibok ng musmos nyang puso.
At liwanag para sa akin ang pagkukubli sa dilim sa likuran ng isang matayog na platera.

Bahagyang sumilip ang bata mula sa gilid ng kanyang pinagkukublihan, mula dito tanaw na tanaw nya ang ginagawa ng kanyang ama. Lumapit si Mang Mau sa mangkok ng kinakain nyang lugaw, inilabas mula sa bulsa ang isang supot ng  ginupit-gupit at pinong pinong pahina ng pang linggong peryodiko at dahan-dahang inihalo sa mainit-init pang lugaw. Paulit-ulit na hinalo gamit ang kanyang pambatang kutsara (na may disenyong bubuyog) ang kanyang mangkok ng lugaw hanggang sa magpantay ang kulay ng mga ito. Dahil sa pagkabigla ay di natiis ng batang si Apong na lumabas sa gilid ng platera at magpakita sa kanyang ama. Naitanong ng bata kung bakit iyon ginagawa ng kanyang ama sa kanyang lugaw?
Natawa na lamang si Mang Mau sa reaksiyon ng anak.
Dahil sa unti-unting naiiyak ang pobreng bata minabuti ng lapitan ni Mang Mau ang anak upang ipaliwanag kung bakit nga ba ganoon ang kanyang ginagawa sa kanyang lugaw tuwing araw ng linggo.

Mang Mau: 'Pong pasensya ka na sa ginagawa ko huh?
Apong: Eh bakit nga po kasi 'tay? Kaya pala napansin ko na parang nag-iiba ang lasang lugaw ko? Parang mas lalong lumalapot? Ganun po pala ginagawa nyo?
Bakit po ba tay?

Mang Mau: Gusto ko lang kasi sa paglaki mo eh tumalino ka pa, ikaw lang kasi ang nakikitaan namin ng nanay mo ng talino. Masipag kang mag-aral. Kaya alam namin na mas mapag-iigihan mo pa ang iyong pag-aaral.
Apong: Eh napano po ang lugaw ko?
Mang Mau: 'Yun ba? Nasabi kasi ng isa kong katrabahong Intsik na nakakatulong daw para lalong sipagin sa pag-aaral at lalong tumalino ang isang batang katulad mo kung hahaluan ng pinung-pinong dahon ng peryodikoang lugaw na kinakain mo. Tradisyon daw yan sa angkan nila at lahat naman silang magkakapatid eh talagang masasabi kong naging matagumpay sa kanilang buhay. Hindi naman siguro masama kung susubukan ko sa 'yo di ba nak?
Apong: Ganun po ba yon 'tay?
Mang Mau: Parang ganun na nga nak? hehehehe.

Magmula noon palagi ng hinahaluan ng dinurog ng pinung-pinong pahina ng peryodiko ang lugaw ni Apong. Kahit nakabalik na sa ibang bansa ang kanyang ama dahil tapos na ang kaniyang bakasyon ay ipinagpatuloy naman ng kanyang ina ang gawaing ito.

~~~Napag-isipan ko kung ano ang koneksiyon ng dinurog ng pinung-pinong pahina ng peryodiko sa lugaw para tumalino ang isang bata?~~~





Nasa kolehiyo na si Apong ng muling umuwi ang kanyang ama, sa panahon ding ito isa-isang nag-asawa ang kanyang 3 nakatatandang kapatid. Kaya't si Apong at ang bunso na lang ang nakasama ng mag-asawang Mang Mau at aling Auring.

At dahil sa may pag-iisip na si Apong, hindi na sya maaring magpakita ng kahinaan at kalamyaan sa harap ng kanyang Ama. Lumaki sya at nagka-isip ng walang ama sa kanyang tabi ngunit hindi ito sapat na dahilan upang balewalain ang pangaral ng kanyang mga magulang lalong lalo na ng kanyang ama.

Wala silang naging problema, hindi man sila madalas mag-usap alam nilang pareho na maayos naman ang kanilang pagsasama bilang isang pamilya.





 Mabilis pang lumipas ang panahon.

Napakarami pang kaganapan sa pamilyang ito na nais ko pa sanang ibahagi sa inyo ngunit pipiliin ko na lamang ang pinaka importante sa lahat... Ang araw kung saan ako mismo ang magiging paksa. At ako ang magiging kaganapan.


Enero, taong 2011 ng simulang magkaroon ng karamdaman si Mang Mau.
Dala ng katandaan kaya't lalong lumala ang sakit nya sa baga na nagkaroon ng komplikasyon sa puso.
Naging mahirap para sa pamilya ang kalagayan ng kanilang ama ngunit tulong-tulong pa rin sila upang madugtungan ang buhay ng matandang Mang Mau. Mula sa gastos sa regular na pagpapatingin sa mga taong eksperto sa medisina, pagbili ng gamot at pagkain hanggang sa mga aparatong kailangan upang mapagaan ang karamdaman kung sakaling atakihin ng hika ang kanilang ama ay masinop nilang pinagtulungan.

Nakakadurog ng puso kung pagmamasdan ang kalagayan ni Mang Mau (ngunit wala ako sa lugar para maramdaman ang ganitong damdamin) na unti-unting iginugupo ng karamdaman. Matiyagang pag-aalaga at pagtitiis ang ginawa ng buong pamilya para sa kanilang ama. Hindi na halos makatulog ang inang si Aling Auring sa mga oras na dumadaing ng pagkain o di kaya'y nais umuhi-dumumi ni Mang Mau.
Hindi na rin gaanong nakakakilos at nakakatayo ang matanda kaya umabot na sa puntong mismong sa salawal na nito sya inaabutan ng pagdumi.  Ngunit ganoon pa man, matiyaga pa ring nililinis ang maduming puwitan at kuyukot ni Mang Mau. Buong pusong pinagsilsilbihan pa rin ni Aling Auring ang kanyang butihing asawa.

Isang hating-gabi kung saan tulog na ang lahat ng biglang dumaing si Mang Mau na gusto nyang kumain dahil sumasakit ang kanyang sikmura, daing-unggol lamang ang maririnig sa buong kabahayan ngunit walang pumapansin sa kayang panaghoy. Marahil siguro sa ilang linggo na ring puyat at pagod, tumayo mula sa pagkakahiga si Aling Auring at iritadong nagkanaw ng maligamgam na gatas at naglabas ng ilang pirasong biskwit upang ipakain sa kanyang asawa. 

"Papaano naman akong makakapag pahinga niyan kung gabi-gabi lagi kang ganyan?"
wika ni Aling Auring.

"Hindi ko naman ginusto ang ganito. Kung nagiging pabigat na ako sa'yo pabayaan mo na ako.... Diyos kooooooo!!! kunin nyo na po ako..."
Hingal-sagot ni Mang Mau kasabay ng pagpatak ng kaniyang mga luha.

~~~~Tila ako'y nananabik sa mga sinambit ni Mang Mau, ngunit hindi pa, wala pa tayo sa tamang panahon~~~~



Halos 2 buwang ganito ang kaganapan sa tahanan ng pamilya ni Mang Mau, ako sa isang banda ay nanonood lang, naghihintay, nakikiramdam at naghahanda.


"Pooooooonng.... Poooonnngggg....." daing-tawag ng ama.
"Auring....... (hingal)... Auring....."
muling pagtawag nya.
Ngunit walang naglakas-loob na pumasin sa kanyang pagsamo.
Marahil sa sobrang pagod, puyat at pagka-irita ng kanyang mga tagapag-alaga, walang sumagot sa kanyang daing. 

"Poooonngggg..... Apoooooonnnnngggg..."
muli nyang daing sa kanyang anak.

~~~~Alam kong gising na gising si Apong ng mga oras na iyon.~~~~

"Puta namang buhay ito oh!!!! Pagod ka na nga sa trabaho, hindi ka pa patutulugin ng maayos!!! Hindi pa kasi mamatay kung mamamatay.... para matapos na lahat ng paghihirap!"


Iyan ang naibulong ng isipan ni Apong. Alam ko at dinig na dinig ko ang sinambit nya. Walang tinig na lumabas ngunit malinaw pa sa biglaang pagkislap ng ilaw ng isang kamera ang sinabi ng kanyang isip. Tila isang nagniningas na liwanag mula sa isang  lampara ang init ng mga kataga.  Mga katagang nagpagaan sa aking damdamin. Mga salitang nagpangiti sa akin. Kung naisa-tinig lamang ni Apong ang lahat, malamang na ikasama ng loob ng kanyang pamilya lalo na ng kanyang ama ang sinambit ng kanyang pagal na isip. Tila isang lason mula sa tuklaw ng isang ahas ang sakit na maaring idulot ng mga salitang iyon, ngunit para sa akin isa itong musika na humihele sa akin upang mas pag-igihan ko pa ang paghihintay... Malapit na.... At nalalapit na.. Pasasaan ba't darating din ang aking inaasam na sandali.




Tik Tak... Tik Tak.. Tik Tak....


Mataman kong binabantayan ang pagdaan ng mga kamay-orasan.
Pasado alas-dos ng madaling-araw ng naalimpungatan si Apong dahil sa paggising sa kanya ng kanyang ate Myra. Nataon kasing wala ang inang si Aling Auring ng gabing iyon kaya't naiwan sa 2 magkapatid ang pangagalaga sa kanilang ama.


Myra: Pong... Pong... Gumising ka muna sandali... Pakisilip saglit ang tatay?
Apong: Bakit te? Anong nangyari?
(pupungas pungas na tanong nya)

Myra: Ang tatay kasi, nagpumilit na bumangon kanina para umihi, nawalan ng panimbang kaya nabuwal mula sa pagkakatayo tapos heto ng silipin kong muli, ganyan na sya.

Kitang kita ko ang kalagayan nya, dilat ang mga mata, nakabuka ang bibig, umuungol na tila may gustong sabihin ngunit walang tinig ng mga salita ang lumalabas.


Apong: Tay..... tay... naririnig nyo po ba ako tay?

~~~~Ang tanong na may pag-aalala ni Apong habang pinipisil nya ng ubod diin ang kanang palad ng kanyang ama.~~~~

Apong: tay... nararamdaman nyo po ba tay?
nararamdaman nyo po ba?
masakit po ba ang pagpisil ko tay?
tay...... tayyyyyyy.... sumagot ka naman tay......

~~~~Kitang kita ko rin sa pagkakataong ito na unti-unting namumuo ang mga luha sa gilid ng mga mata ni Apong habang pinag-iigi nya ang pagpisil sa palad ng kanyang ama.Ngunit mga unggol lamang ang narinig mula kay Mang Mau.~~~~


Myra: dalhin na natin sya sa ospital Apong.
Bantayan mo na muna ang tatay, gigisingin ko na muna ang Kuya Erick mo para paki-usapang gamitin na muna ang taksi nya,maihatid lang tayo sa ospital.


Tanging tango lamang ang tugon ni Apong tanda ng pagsang-ayon.
Patuloy pa rin nyang minamasahe-pinipisil ang mga palad ng kanyang ama habang naghihintay sa kanilang gagamiting sasakyan patungong ospital. Manaka-nakang maririnig ang mga unggol ng kanyang ama. Tila ba may gustong sabihin. May ibig iparating.

Sa mga sandaling ito, dinukot ko ang aking pluma at  mahigpit kong hinawakan. Inihanda ko ang aking sarili.
Kating kati na ang aking mga kamay sa pagkipkip ng aking pluma. Panibagong pangalang maitatala sa aking libro?



Myra: anjan na sa labas ang sasakyan 'Pong.... 
Pero paano natin bubuhatin si tatay?

Pilit itinayo ng magkapatid ang kanilang ama, ngunit dahil may kabigatang taglay hindi nila makuha ang tamang pagbuhat kay Mang Mau. Nariyang mawalan silang pareho ng timbang at mapapaupo sa higaang papag dahil sa di nila makayang buhatin ang kanilang ama.

Apong: ate tumabi ka na muna, ako na ang bahala.....

Pumuwesto paupo sa sahig si Apong upang isalabay sa kanyang likuran ang katawan ng kanyang ama. Inipong lahat ng kanyang lakas upang mabuhat ang bigat ng katawan ni Mang Mau. Hindi ininda kung anoman ang sakit na kanyang mararamdaman, pwersa at lakas ang ibunuhos maihatid lamang sasakyan ang kanyang ama, dahil ng mga sandaling iyon, oras at AKO ang kanilang kalaban.


Hindi hiniwalayan ni Apong ang kanyang ama. Sa likurang bbahagi ng sasakyan, isinandal nya ang ulo ng kanyang ama sa kanyang balikat upang mapakiramdamang maigi. Habang nasa daan patungong ospital hawak-pisil pa rin ni Apong ang kamay ng kanyang ama, sa paghahangad na maramdaman nya ang kaba-takot na dumadaloy sa katawan ng kanyang anak.

Ilang sandali na lang at nasa ospital na sila ng makita kong sinapo ni Apong ang dibdib ng kanyang ama, pinakiramdaman, ngunit may pag-aalinlangan sa kanyang isip kaya't itinigil nya ang kanyang ginagawa.

"Puta wag naman po sana!!!! nagkamali sana ako.... 
Sana dala lamang ng sobrang bilis ng takbo ng sasakyan kung bakit hindi ko maramdaman ang pagtibok ng puso ni tatay.... Diyos ko wag po sana... wag po muna..."

Tila isang nakakatakot na higanteng alupihan ang katotohanang pilit nyang iwinawaksi sa kanyang isipan. 
Muli nasulyapan ko ang ginawa ni Apong, itinapat nya ang kanyang palad sa bandang ilong at bibig ng kanyang ama. Ilang beses nyang ginawa ito. Pinakiramdaman niyang muli si Mang Mau.
Sa huling pagkakataon.


" Putang inaaaaaaaaaaaaa!!!! tay wag muna!!!
wag ngayon tay!!!"

~~~~Ang pagsigaw ng kanyang isipan, hindi ko maalis sa kanya na dayain ang kanyang sarili.
Ngunit huli na ang lahat Apong....
AKO na mula sa sandaling ito ang pumangko sa iyong ama.~~~~



Ospital.





Abala ang lahat sa pag-aasikaso sa kanyang ama, nasa loob pa rin sila ng sasakyan, ang kanyang ate ay naghihintay sa kanilang nurse na tutulong upang maipasok sa ER si Mang Mau.

Pong: teh pakitignan mo nga si tatay?
pakiramdaman mo?
baka kasi nagkamali ako te?

Lumapit ang kanyang ate sa katawan ng kanilang ama at sinimulang damhin ang dibdib nito. Itapat ang palad sa bibig at ilong katulad ng ginawa ni Apong.
Dito nagsimulang tumulo ang luha ng kanyang ate.

Myra: ay puta!!!! di na tayo umabot 'Pong!
'Pong, putang ina patay na si tatay!!!

Malumanay ngunit may diin ang pagkakasambit ng kanyang ate sa mga katagang ito. Malumanay ngunit naramdaman ko ang panlalamig ng kanyang katawan. Ang pagguho ng kanyang katatagan. Ang pagdadalawang-isip sa pagtanggap na wala na ang isang taong minamahal.

Nasa labas si Apong ng ER, pinanonood kung maisasalba pa ba ang buhay ng kanyang ama. Tulalang pinagmamasdan ang ginagawa  kay Mang Mau. Blanko ang isipan. May mangilan-ngilang ala-ala ng kanyang ama ang naglalaro sa kanyang gunita.

Mang Mau: saan ka nanggaling huh? ba't di ka umuwi kagabi?
Apong: nagpunta po kasi ako sa kaarawan ng katrabaho ko 'tay, dun na rin po ako nakitulog.
 
Mang Mau: puta ka! ba't di ka man lang nagpaalam? ni hindi ka tumawag? or kahit magtext man lang na hindi ka uuwi? alalang-alala kami sa 'yo! di namin alam kung napano ka na?
 ayun! ang nanay mo, nasa baranggay ngayon, ipina blotter ka dahil jan sa katarantaduhan mo!

Apong: 'tay naman! bakit nyo pa ako pina-blotter? 27 anyos na po ako!
nakakahiya tuloy sa mga tao?

~~~~Isa sa mga tagpo na hindi makakalimutan ni Apong patungkol sa kanyang ama. Alam nyang may pagka-istriko ngunit dama nya ang pag-aalala ng kanyang mga magulang.~~~~


Tinaggap ng buong pamilya ang pagpanaw ng kanilang ama, wala silang magagawa. Kahit ako man hindi ko maaring tanggihan ang tawag ng aking obligasyon. 
Mahigit isang linggo ang burol ni Mang Mau. Muli nakita kong magkakasama ang magkakapatid, mga kamag-anak at mga kaibigan ni Mang Mau.
Ilang gabi ring matiyagang nagbantay si Apong sa burol ng kanyang ama. Hindi iniinda ang pagod at puyat sa pag-eestima sa bawat bisita.
 
Sa araw ng libing ni Mang Mau hindi mapigilan ang pag-iyak ng mga nakiramay. Mula sa pagtangis ni Aling Auring hanggang sa panaghoy ng mga kapatid at iyak ng mga kaibigan at kamag-anakan. Ngunit may isang tao ang hindi nakisalo sa pagdadalamhating ito. Hindi sya umiyak sa haparan ng tao. Hindi tumulo ni isang patak ng luha mula sa kanyang mga mata. Nagpakita sya ng tapang. Nanindigan. Dahil para sa kanya, wala na syang mailuluha pa. Si Apong.

Matapos ang seremonyas ng libing, nilapitan ni Myra si Apong at nagsimulang magtanong.
Myra: ang tapang mo noh 'Pong?
Apong: bakit naman 'te?
Myra: buong panahon na nakaburol ang tatay ni hindi ka namin nakitang umiyak.
Apong: hindi ako matapang 'te. tinanggap ko lang na wala na talaga ang tatay.

 Ang narinig kong usapan ng magkapatid ay taliwas sa aking nalalaman. Lingid sa kanilang lahat, si Apong ang gabi-gabing tumatangis sa pagkawala ng kanilang ama. Gabi-gabi sa kanyang pagbabantay palagi nyang kinakausap ang kanyang amang nahihimbing sa kanyang puting ataul. Kasabay ng pagka-usap na 'yon ay ang kanyang lihim na pagtangis. Bawat haplos sa ataul ay kasabay ang pagdaloy ng kanyang luha.
Paghingi ng kapatawaran ang palaging nasasambit ni Apong sa kanyang ama. Kapatawaran sa lahat ng kanyang mga kasalanan. Sa lahat ng kanyang mga nasabi at di nasabi kabilang na ang mga salitang nagpapahayag kung gaano nya kamahal ang kanyang ama. Mga bagay na kanyang ginawa at hindi ginawa para sa ikatutuwa ni Mang Mau. Lahat ng yan ay hindi lumampas sa aking tainga. Dinig na dinig ko ang bawat salita at bawat hikbi ni Apong.


Apong: patawad tay, di ko man nasabi sa inyo noong kayo'y buhay pa pero alam ko na alam nyo kung gaano ko kayo kamahal. Alam kong masaya na kayo sa kinaroroonan nyo ngayon, kayo na po ang bahalang gumabay sa aming lahat. Patawad at salamat 'tay.



~~~~Ang huling nasambit ni Apong sa paghihiwalay nila ng kanyang ama.~~~~



AKO ANG KADILIMAN...
ANG KALUNGKUTAN.. 
ANG PAGTANGIS.. 
ANG PIGHATI...
ANG KAWALAN...

 AKO ANG TALAAN.
AKO ANG ITIM NA TINTA.
AT AKO ANG PLUMA.

AKO ANG TADHANA NA HINDI MO KAILAMAN MAIIWASAN.
    
AKO  ANG ANINO...
AT AKO ANG DAHILAN KUNG BAKIT KA LUMULUHA SA PANAHONG AKO'Y DARAAN....


PALAGI MO AKONG KASAMA
TANGAN TANGAN ANG AKING PLUMA.


KILALA MO AKO NGUNIT DI MO AKO NAPAPANSIN. NGUNIT HIGIT MO AKONG MAKIKILALA  NG LUBUSAN SA TAKDANG ORAS AT TAMANG PANAHON.

 WALANG SINOMAN ANG SA AKIN AY MAKAKATAKAS.



AKO ANG "KAMATAYAN".





28 comments:

  1. Thumbs up dito. Naunahan mo pa akong magppost ah. Good luck sa entry mo na'to.

    Btw ang hirap magbasa sa blog mo. Buti nalang may google reader. hehe :P

    ReplyDelete
    Replies
    1. yan ok na. Di na masakit sa mata na basahin :)

      Delete
    2. salamat kuya archie (paulit-ulit?)
      lols

      hindi ko pa po sya naisesend ke kuya bino eh. nag-aalangan kasi ako sa "temang PLUMA"?
      ahahahaha

      Delete
  2. ganda ng kwento... galing. di raw ba pwede? isabak na yan hehe..

    ReplyDelete
    Replies
    1. thanks blindpen.. ayun nga.. hindi ko talaga sure kung pasok sya sa "temang PLUMA"?
      sabi kasi ni kuya bino kwento daw about pluma ang dapat na entry.

      kaya hindi ko sya mai-send sa pa-contest nya.
      :(

      Delete
    2. hindi naman ganun ang pagkakaintindi ko.. pwede pa ngang hindi mabanggit ang pluma eh... saka may judging criteria naman para sa pagkakarelate sa temang pluma.. kung hindi man mataas dun, pasok parin naman yan..

      Delete
    3. hhhmmmmmm... mag retouch na lang ako since hindi ko pa naman sya officially naisesend ke kuya bino....
      maisinggit lang talaga sa theme?
      lols

      Delete
  3. Ako din, hindi ko rin malaman kung papanong gagawing temang Pluma. tss!!

    ReplyDelete
    Replies
    1. maipilit mo lang pao yung "pluma" ?
      parang ganon ata ang keme ng contest eh?
      lols

      Delete
    2. HAHAHAHAHAH! natawa ako dun ah! Basta nalang? AHAHAH!

      Delete
    3. kahit ano na lang kasi pao!
      may mai-post lang sa contest di ba?

      aabangan ko yung entry mo, nyahahahaha

      Delete
  4. OMG! Nutty, grabe saludo ako sa entry mo na ito. Ang galing mo. Nakakalungkot yung story ni Apong. Oh diba, halos 20 minutes kong ninamnam yung buong story hehe.

    Goodluck!

    ReplyDelete
    Replies
    1. This comment has been removed by the author.

      Delete
    2. salamat salamat fiel at na-appreciate mo kahit papano ang kalokohan ko? Lols

      hindi ko rin makakalimutan yang story na yan.....
      well, unless magka-amnesia ako?

      Delete
    3. at baket may deleted comment sa taas? wahehehe!

      alam mo habang binabasa ko tong story mo, tumatakbo sa isip ko ung kantang Sirena ni Gloc-9. :D

      Delete
    4. ahahahahaha.... typo-error kasi kaya ko nidelete.

      uhhmmm. hindi ko naisip na somehow may "Sirena" touch sya, kasi wala pa yung sirena song na yun nung nagyari 'tong kwentong 'to...
      Pero ayun nga, maisinggit na rin ang sirena..
      lols

      Delete
  5. Salamat sa pagsali at pagsuporta :)

    ReplyDelete
  6. goodluck sa entry ... wow ha hoy ha astig tlent mo sa pagsulat

    ReplyDelete
    Replies
    1. naku hindi naman po.... bale si socorro (my alter-ego) po ang sumulat nyan.

      nyahahaha...

      wala kasing magawa kaya pinatulan ko ang pacontest ni kuya bino....

      ika ko nga eh for fun lang.... :)

      Delete
  7. Honestly di ko binasa lahat, doon na lang ako sa dulo nagbasa. And it is such a competitor's entry. A huge threat to others including me..lols..

    Pero sabi ko nga "it is such a privilege to be invited to join. Winning is just a bonus."

    ReplyDelete
    Replies
    1. naku salamat po ng madaming madami (mga 23,578 lahat na salamat) dad Jay!

      ang sa akin po dad is purely for fun lang po, and just like you dad Jay na yung makapagpost lang ng entry eh isa ng malaking achievement for me as a newbie sa pagbablog.

      and yes dad Jay, winning is just a bonus.
      ang importante is kahit papano may nai-share ako kahit papano.

      note: ang hirap magpiga ng utak
      lols

      Delete
  8. nabasa ko na din ikaw lang yan :)

    ReplyDelete
    Replies
    1. hindi.. hindi ako yan.. si socorro yan teh!!!
      nyahahahaha

      Delete
  9. isa ding mahusay na manunulat ngayong taon.. grabe daming magagaling ah.. :) nice entry...

    ReplyDelete
    Replies
    1. hindi naman po.... medyo nagpumilit lang magsulat...

      salamat po at naappreciate nyo yung kagaguhan ko....
      lols

      Delete
  10. hindi ko magets kung bakit c mang mau eh pinapakain ng dinurog na peryodiko si apong. hehehehe..

    pero ramdam ko yung emosyon nung nagrereminisce na si apong. lakas maka- emo. haahhaha

    Goodluck po sa BNP :)

    ReplyDelete
  11. salamat bigotilyo....
    hindi pa kasi uso yung gerber nung panahon na yan kaya nagkasya na lang sa tinunaw na Manila Bulletin,,... ahahahaha... :)

    ReplyDelete

~MEMA-SABI-LANG~