Thursday, May 2, 2013

Puta ang INA Ko






Oo.... Puta ang INA ko....
Matagal ng Puta ang INA ko.....

Isinilang ako sa pagpuputa ng INA ko, lahat kaming magkakapatid ay nagmula sa kaputahan ni INA. At ipinagmamalaki kong isang puta ang INA ko.

Matagal ng nagpuputa si INA, kung kailan nagsimula, yan ang di ko alam.

Ilang kamay na nga ba ang lumamas at nagpasasa sa matayog na suso ni INA?
Ilang lalaki na nga ba ang pumatong at nagparaos sa kanyang pinong morenang balat? Nang kanyang busilak na sinag-araw na balat?



 

Ilang mga Tsino, Olandes, Aleman, Hapones at maging Amerikano na nga ba ang naging parokyano ni INA sa kama. Kahit si INA mismo ay hindi na nagawang bilangin kung ilan nga ba?

Pinipilit nyang tumanggi sa bawat pagniniig ngunit wala syang lakas, wala syang  ibang pagpipilian kungdi ang magpaagos sa bawat ritmo ng makamundong sayaw ng laman. Tiniis nya ang lahat at magpasa hanggang ngayon ay nananatili ang kanyang pagtitiis sa bawat gabing nais magparaos ng kanyang mga parukyano.


Maganda si Ina.
Mabini at ubod ng hinhin. 

Malumanay at mapagtimpi. 
Madadala ang kahit sino man sa kanyang matatamis na ngiti. Marahil ilan lamang yan sa kanyang mga katangian kung bakit inabuso at nakaladkad sa pagpuputa si INA.

Madalas sa bawat gabi ng kanyang pagtulog, naririnig ko ang impit na paghikbi ni INA. Gusto ko syang yakapin. Gusto kong patahanin. Nais kong damhin kung ano mang bigat ng kalooban ang kanyang kinakanlong. Ngunit sa bawat hakbang kong papalapit sa kanya, dahan-dahan akong hinihila ng kawalan. Hindi magawang sumigaw ni INA. Marahil dala na siguro ng kahinaan at kapaguran kung kaya't mas pinili nyang manahimik. Maaaninag ko na lamang mula sa kadiliman ang mala-kristal na butil ng kanyang luha.

Hindi ko kayang isumbat sa kanya ang maling gawain ni INA. Hindi ko nais ang kinasadlakan nya. Pinilit kong tulungan si INA ngunit sya na mismo ang humadlang sa amin para tulungan sya, pagtulong na nauwi sa pikit-matang pagtanggap. Dahil sa pagpuputa ni INA, doon kami nabubuhay. Sa paraang iyon lamang nasisidlan ng laman ang bawat kumakalam naming sikmura. At hindi nais ni INA na mamatay kaming lahat na dilat ang mga mata sa gutom. Gusto ko syang kaawaan, kamuhian at murahin ngunit batid kong walang dagok sa kanyang pagkatao ang salitang "Putang Ina Ka" dahil si INA mismo ay isang putang INA. Isang dakilang putang Ina.


Patawad INA kung hindi ka namin naipagtanggol sa kababuyang dulot ng bawat pakikipagtalik mo sa iba't-ibang lalaki matugunan lang ang aming mumunting pangangailangan.

Patawad INA dahil isa ako sa nagtali ng iyong mga kamay at paa.
Isa ako sa nagpiring ng iyong mga mata.
Isa ako sa nagbusal ng iyong bibig.



Patawad INA kung isa ako sa nagtulak sa yo para gawin ang makamundong trabahong iyong kinahantungan.

Alam kong walang kapatawaran ang ginawa ko sampu ng aking mga kapatid kung ano ka man ngayon INA. Nabigo ka man sa amin, ipinapangako ko na darating ang panahong makakalaya ka rin sa putikan.

Hindi man sa aming mga anak mo sa ngayon INA... Hindi man sa pagkakataong ito.... Batid ko INA... Malapit na..... Nalalapit na....













14 comments:

  1. Is it your true story? Nakakaiyak naman. You know marami mga ina ng nakagawa ng ganyan to survive and to provide for the family. They deserved to be recognized and need respect too.

    ReplyDelete
    Replies
    1. mom Joy story po nating lahat ito.... :)

      Delete
  2. Ah sori. Di ko na get ang true message:)

    ReplyDelete
  3. ang kabog ng pose ni Inang Bayan! Pang ANTM :)

    at tama, kawawa naman ang ating inang bayan, kailan kaya sya makakabangong at makakalaya?

    ReplyDelete
  4. waaah! pang mother's day special din toh ah *sniff*

    teka matanong ko lang, alam mo ba kung sino ang iyong ama?

    ReplyDelete
  5. magaling. may lihin na kahulugan ang mga salita.

    ReplyDelete
    Replies
    1. thanks kuya jei.... pa-alak ka na kuya!!!
      :)

      Delete
  6. kala ko namang sinong INA na yan! haha nice nice napaka unique ng
    mother's day post mo! a natawa ko feeling ko need ko magmumog ng holy water habang binabasa ko to
    haha

    ReplyDelete
    Replies
    1. mag-alay ka na rin ng 1 doseng itlog habang nagmumumog ng holy water kuya mec....
      ahehehehe

      Delete
  7. Ahhh kaya pala familiar! hahaha! Si Inang Pilipinas ito. I've read it somewhere. Nice pic. Mukang nag enjoy naman si INA. Hahaha!

    ReplyDelete
    Replies
    1. baka yung story ng katrabaho ni ina sa kasa yung nabasa mo? best friends kasi sila... ahahahaha

      Delete

~MEMA-SABI-LANG~